LEGAZPI CITY – Nagbabala ang isang abogado at opisyal ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa mga hakbang ni Vice President Leni Robredo sa kampanya kontra sa iligal na droga.
Kaugnay ito ng pahayag ni Robredo sa pag-imbita sa mga kinatawan ng United Nations at United States sa pag-uusap ng magiging estratehiya sa war on drugs.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PACC Comm. Manuelito Luna, ipinangangamba nito ang pahayag ng Pangalawang Pangulo dahil posible umanong maisakripisyo ang usapin sa national security.
Giit ni Luna na kahit kaalyado o kaibigang bansa, may limitasyon pa rin sa pagbabahagi ng impormasyon partikular na sa operational details at protocols ng drug war.
Pinayuhan pa nito si Robredo na maghinay-hinay sa pag-anunsyo ng mga “intel matters” at maiging pag-aralan ang transparency sa mga sensitibong impormasyon.
Paalala pa nitong maaaring ituring ang hakbang ni Robredo kung sakali, bilang betrayal of public trust.
Dumepensa naman si Luna sa isyu ng maagang paghatol sa kakayahan ni Robredo bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), dahil nagrereact lamang umano sa mga nakikitang senyales.