Tuluyan nang inaprubahan ng National People’s Congress Standing Committee sa China ang national security law sa Hong Kong sa kabila ng posibilidad na magdulot ito ng panibagong kaguluhan sa nasabing rehiyon.
Ang bagong panukala na ito ay naglalaman ng apat na criminal acts na magsisilbing banta sa national security law — secession, subversion, terorismo at pakikipagsabwatan sa foreign o external forces.
Papayagn din ang mga otoridad ng China na magtayo ng ahensya sa loob ng naturang semi-autonomous territory at magkakaroon din ng kapangyarihan ang chief executive ng lungsod na mamili ng hurado na mangangasiwa sa national security cases.
Nagpahayag na ng pagkabahala ang ilang pro-democracy groups at foreign governments dahil maaaring sirain ng panukala ang umiiral na “one country, two systems” framework na nagbibigay garantiya sa otonomiya at judicial independence ng Hong Kong.
Hinala ngayon ng karamihan na kaya raw pinipilit isulong ito ay dahil sa gaganapin na local elections sa Setyembre.
Pinaplano naman ng mga pro-democracy groups na magsagawa ng kilos-protesta bukas upang ipakita ang kanilang pagtutol sa national security law.