Sisikapin ng Team Pilipinas na maibulsa ang kauna-unahan nitong gintong medalya sa larangan ng table tennis sa pagsabak ng national team sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Philippine Table Tennis Federation, Inc. president Ting Ledesma, malaki na raw ang naging improvement ng kanilang koponan matapos ang naging kampanya nila noong 2017 SEA Games sa Malaysia.
Sa nasabing bersyon kasi ng regional sports meet, tanging bronze medal ang naiuwi ng Pilipinas sa pamamagitan ng beteranong si Richard Gonzales.
Ayon pa kay Ledesma, malaki ang kanyang tiwala sa gold medal chances ng Pilipinas sa table tennis dahil na na rin ng buhos na suportang natanggap nila sa Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.
Dahil aniya rito ay nakapagsanay ang national team sa South Korea sa loob ng dalawang buwan, na ayon kay Ledesma ay maganda ang kinalabasan.
Sa ngayon, sinabi ni Ledesma na todo ang pagsasanay ng koponan at anumang oras ay handa na raw ang mga ito na sumabak sa biennial meet.
Gaganapin ang table tennis tournaments ng SEA Games sa Subic Bay Exhibition & Convention Center mula Disyembre 6 hanggang Disyembre 10.