-- Advertisements --

Nagkasundo ang NATO allies at G-7 leaders na palakasin pa ang kanilang alyansa bilang pagsuporta sa bansang Ukraine ngayong kasagsagan ng pakikibaka nito laban sa Russia.

Ito ay tinalakay ng mga pinuno ng mga bansang miyembro ng naturang alyansa sa kanilang idinaos na emergency meeting kagabi.

Ipinahayag ni NATO Secretary General Jens Stoltenberg kasabay ng pagsasabi na napagkasunduan ng NATO leaders na i-reset at palakasin pa ang mga hakbang na kanilang isinasagawa upang ipagtanggol at pigilan ang nangyayaring digmaan ngayon sa Ukraine.

Matapos ang isinagawang pagpupulong ay in-anunsyo ng mga pinuno ng 30 NATO allied nations na nakatakda itong magpadala ng apat na battlegroups sa Bulgaria, Hungary, Romania, Slovakia, bilang dagdag karagdagan sa mga nakaposisyong sandatahan na sa Baltic countries at Poland.

Palalakasin din ng alyansa ang kanilang eastern flank sa pamamagitan ng pagdadagdag ng mga jets at carrier strike groups, gayundin ang mga submarines, at combat ships.

Samantala. aminado ang opisyal na ang paglusob na ito ni Russian President Vladimir Putin ay ang pinakamalaking banta sa seguridad ng henerasyong ito dahilan kung bakit kinakailangan na agad itong matugunan ng NATO.

Magugunita na una rito ay nanawagan si Ukrainian President Volodymyr zelensky sa NATO upang humingi pa ng walang hanggang tulong laban sa Russia.