Pinalutang ng isang tinaguriang ‘Cold War warrior’ at ma-impluwensiyang aide ni Russian President Vladimir Putin na si Nikolai Patrishev ngayong Biyernes na direktang sangkot ang North Atlantic Treaty Organization (NATO) at West sa pagpaplano ng sorpresang pag-atake ng Ukraine forces sa Kursk region sa Russia na nagsimula noong Agosto 6.
Subalit sinabi ng US at Western powers na hindi nagbigay ang Ukraine ng advance notice at itinanggi din ng US na sangkot ito sa naturang pag-atake bagamat maalala na nauna ng nagbigay ng mga armas ang US maging ang Britain sa Ukraine na napaulat na ginamit sa pag-atake sa Russia.
Pinalagan naman ito ni Petrushev at sinabing hindi mangangahas ang Ukraine na lusubin ang teritoryo ng Russia kung walang pangingialam at direktang suporta mula sa NATO at western special services.
Iginiit din nito na ang pagsisikap ng US ay nagresulta sa pagkawala ng soberaniya ng Ukraine at mawala sa kanila ang parte ng kanilang mga teritoryo.
Nagbabala naman si Russian parliamentary deputy Mikhail Sheremet na ang western-backed Ukrainian incursion ay maaaring humantong sa pandaigdigang digmaan.
Aniya, ang presensiya ng western military equipment, paggamit ng western ammunition at missiles sa pag-atake sa civilian infrastructure at hindi mapagkakailang katibayan ng pangingialam ng mga dayuhan sa pag-atake sa teritoryo ng Russia ay maaaring masabing nasa bingit na ang mundo ng posibilidad ng World War III.