Tinukoy ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na kabilang ang bayan ng Natonin, Mountain Province sa listahan ng mga lugar na highly prone sa landslide, batay sa impormasyon mula Mines and Geosciences Bureau (MGB).
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Dir. Edgar Posadas, bago mag-landfall ang bagyong Rosita sa Dinapigue, Isabela nitong Martes ay inabisuhan na nila ang lahat ng mga residente sa mga lugar na apektado ng Bagyong Rosita na prone sa landslide na magsilikas na.
Sinabi ni Posadas na hindi umano sila nagkulang sa pabibigay ng abiso.
Sa katunayan, nagbigay sila ng abiso sa mga opisyal ng Mountain Province ukol sa mga lugar na highly prone landslide areas, kabilang na ang bayan ng Natonin.
Nabatid na nag-collapse nitong Martes ang itinayong opisina ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa landslide kung saan 31 indibidwal ang na-trap kabilang ang engineer, tatlong security guard at mga manggagawa.
Samantala, nasa 360 indibidwal na bahagi ng mga search and rescue teams na nagsasagawa ng search and retrieval operations.
Sa ngayon batay sa monitoring ng NDRRMC-2 pa lamang ang accounted sa 31 katao na na-trap sa gumuhing gusali ng DPWH sa nasabing lugar.