-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinag-iingat ng Mines and Geosciences Bureau (MGB)-Bicol ang mga residente na malapit sa natuklasang malawak at malalim na hukay sa Barangay Tinago sa Lungsod ng Ligao.

Paliwanag ni MGB-Bicol Engr. Guillermo Molina Jr., sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, bumagsak ang naturang bahagi ng lupa na may lalim na 4.5 metro at nasa 20 metro naman ang diametro dahil sa lakas ng tubig na dumadaloy sa ilalim.

Sa pagsusuri ng mga geologist, natuklasang mula ang running water sa Bulkang Mayon na ugnay din sa Nasisi River na nasa 20 metro lamang ang layo mula sa nasabing sinkhole o ground subsidence.

Ipinangangamba naman ng opisyal na lumawak pa ang ilog dahil sa posibilidad na gumuho rin ang ilan pang mababang bahagi ng lupa kaya pinaiiwas muna ang mga residente malapit sa sinkhole.

Napag-alamang malakas na dagundong muna ang narinig bago nakitang bumagsak na ang malaking bahagi ng taniman ng mais at palay sa nabanggit na barangay sa kasagsagan ng naranasang malakas na pag-ulan sa lalawigan.

Samantala, natuklasan din ang isang metro at dalawang metrong lalim ng gumuhong lupa sa lugar.