-- Advertisements --

NAGA CITY – Plano ngayong ilapit ng alkalde ng Bombon, Camarines Sur sa Office of the President ang pagkakadiskubre sa sako-sakong relief goods na nahukay sa isang lote sa Barangay San Antonio sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Luisa Angeles, sinabi nitong hihingi na sila ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa malalimang imbestigasyon kaugnay sa nasabing insidente.

Ayon kay Angeles, balak din niyang habulin ang mga tauhan ng dating administrasyon na puwedeng nasa likod ng pagpabaon sa naturang mga relief goods sa dumpsite ng Bombon.

Aniya, masama ang loob niya dahil napakinabangan pa sana ng mga nagugutom na residente ang naturang mga pagkain kung hindi itinago.

Una rito, mahigit na sa walong sako ng mga de lata, noodles at mga bigas ang nahukay sa naturang lugar.

Naniniwala naman ang alkalde na marami pa ang nakabaon na mga relief goods sa lote dahil ang gilid na bahagi pa lamang ng dumpsite ang kanilang nahuhukay.