Binigyang-diin ng isang mambabatas na napapanahon na umanong kumuha ng hindi lamang isa kundi isang pool ng naturalized players na maaaring kunin ng Gilas Pilipinas para sa mga international tournaments.
Ayon kay House Deputy Speaker Mikee Romero, dapat kumuha ng limang naturalized players ang Gilas na puwedeng i-rotate depende sa pangangailangan.
“For me kailangan mag-recruit tayo ng at least lima,” wika ni Romero. “For me, a pool of five and then i-rotate mo kung ano yung kailangan natin.”
Sa ngayon kasi ay si Andray Blatche lamang ang naturalized player ng national team, gayundin sina Christian Standhardinger, Stanley Pringle, at Jordan Clarkson kahit na may dugong Pinoy ang mga ito.
Naniniwala din ang mambabatas, na may-ari rin ng NorthPort franchise sa PBA, na napapanahon na raw upang palitan si Blatche sa team.
“Itong si Andray Blatche for me, kumbaga napag-lumaan na natin. And of course, yung isa si (Marcus) Douthit. So for me the recruitment has to be very, very good,” ani Romero.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo sa sports columnist na si Homer Sayson, dapat din umanong ikonsidera ng Samahang Basketbol ng Pilipinas si Chris McCulough bilang naturalized cager ng Gilas.
Paliwanag ni Sayson, pasok daw ang istilo ng laro ni McCullough sa Philippine team na hindi bakaw sa bola.
“Itong si Chris McCulough maganda dahil he is perfect for the Philippine team kasi hindi siya ball dominant. Itong si McCulough, he doesn’t necesarily want to have the ball in his hands all the time. Pero kung kailangang mag-score, nag-i-score din,” ani Sayson.