-- Advertisements --

Isiniwalat ng Commission on Audit (COA) na mayroong P33 billion na public funds ang natutulog lamang sa bank accounts ng Philippine International Trading Corp (PITC).

Ang nasabing halaga ay mula raw sa cash transfers ng mahigit 80 government offices na naghihintay pa para sa kanilang deliverables. Di hamak umano na mas malaki ito sa unang estimate ni Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Magugunitang sinabi ni Drilon na nais nitong magpatawag ng Senate inquiry laban sa mahinang performance ng PITC.

Base umano sa audited financial statements ng PITC na natanggap ng opisina ni Drilon, makikita na ang total assets nito ay aabot ng P34.7 billion habang ang total liabilities naman ay pumalo ng P33.5 billion as of Dec. 31, 2020.

Nakasaad din sa naturang dokumento na ang malaking halaga ng pera na ito ay nasa bangko lamang at nasa pangangasiwa ng PITC para sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na gagamitin naman upang bumili ng kung ano-anong items.

Napag-alaman din ng COA na ang mga balanse mula sa fund transfers ng mga client agencies na nagkakahalaga ng P9.176 billion mula 2009 hanggang 2019 ay hindi pa nagagalaw.

Sa ngayon ay hindi pa naibabalik ang mga pondo na ito sa mga concerned-client government agencies, taliwas sa probisyon na nakasaad sa Section 10 ng General Appropriations Act of 2019.

Tila ipinagtanggol naman ni Presidential spokesman Harry Roque ang mga isyu na ipinupukol sa PITC. Hindi aniya nito kailanman maaapektuhan ang gagawing pagbili ng Pilipinas ng COVID-19 vaccines.