LA UNION – Malaki ang hinala ng naulilang pamilya ni Tagudin, Ilocos Sur Regional Trial Court (RTC) Branch 25 Judge Mario Anacleto Bañez na may kaugayan sa trabaho bilang hukom ang nangyaring pagpatay sa kanya.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo sa anak ng hukom na si Darryl Lance Bañez, sinabi nito na mahirap ang magparatang sa kapwa ngunit posibleng may kilalaman sa mga hinahawakang kaso bilang hukom ang motibo sa pananambang sa kanyang ama.
Ayon sa nakababatang Bañez, maraming high profile cases ang nasa sala ng kanyang ama gaya ng mga reklamo na may kilalaman sa illegal drugs at ang pinakahuli ay ang tungkol sa pag-dismissed sa kasong pagpatay laban sa inaakusahang rebelde na inihabla ng mga sundalo ng pamahalaan.
Maaaring aniya na may mga hindi sumasang-ayon sa mga pagpapasya ni Judge Bañez hinggil sa ilang kasong hawak nito ang dahilan upang paslangin ito ng mga hindi pa natutukoy na salarin.
Samantala, aminado si Darryl na mahirap tukuyin ang tunay na motibo at ang pagkakakilan ng responsable sa pagpatay sa kanyang ama dahil sa trabaho nito bilang tagahatol ng hukuman.
Wala din itong nababatid na nakaalitan o nagbabanta sa buhay ng biktima noong ito ay nabubuhay pa.
Inilarawan ni Darryl si Judge Bañez na mayroong matibay na integridad at hindi ipinagpapalit ang prinsipyo kaya maraming humahanga sa kanya bilang hukom at mabuting kaibigan sa mga nakakakilala.
Nanagawagan naman ang pamilya Bañez sa mga kababayan na makipagtulongan sa imbestigasyon ng pulisya upang mapanagot sa batas ang pumaslang sa naturang hukom.