Umaasa ang liderato ng Philippine Navy na kahit na matuloy ang konstrusyon sa kontrobersyal na Sangley Point International Airport (SPIA) project ay hindi mawawala ang kanilang base militar doon.
Ayon kay Vice Adm. Giovanni Carlo Bacordo, flag officer-in-command ng Navy, strategic ang lokasyon ng kanilang kampo sa Sangley Point na 10 kilometro lamang ang layo mula sa kabisera ng bansa na Maynila.
Maliban pa dito, sinabi ni Bacordo na may easy access ang base militar sa kanilang mga barko na nagpapatrolya sa West Philippine Sea.
Inaalala lamang aniya nila ay ang pagiging sangkot ng China Communications Construction Co. Inc. (CCCC) sa proyekto.
Ang CCCC ay isa sa mga na-ban na Chinese firm sa Amerika dahil sa umano’y pagiging bahagi ng iligal na pagtatayo ng artificial islands sa South China Sea, kung saan may claim din ang Pilipinas.
Batay umano sa mga engineering drawings, makikita na ang pinaplanong Sangley Point International Airport ay sasakupin ang buong Sangley kasama na ang nasa 75 porsyento ng Cañacao Bay.
Sa ngayon, wala pa raw silang nakikitang lugar na puwedeng malipatan kaya hiling nila na huwag nang pakialaman ang kanilang istasyon sa lugar.
Nitong nakalipas na linggo, pinayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sumali ang mga Chinese firm sa mga infrastructure program ng Pilipinas kahit na blacklisted na ang mga ito sa Estados Unidos.