LA UNION – Nakaantabay na ngayon ang dalawang team mula sa Naval Forces Northern Luzon (NFNL) para sumaklolo sa mga mangangailangan ng tulong, sa paghagupit ng bagyong Ulysses sa La Union.
Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Lt. Jaypee Abuan, spokesman ng Naval Forces Northern Luzon (NFNL), naka red alert status na sila ngayon, at anumang oras na tawagin sila ng Office of the Civil Defense (OCD), ay handang-handa na sila na rumesponde sa sakuna.
Ayon kay Abuan, nakatutok sila ngayon sa mga coastal towns matapos maglabas ng storm surge warning ang PAGASA.
Kasabay nito, nanawagan si Abuan sa mga nakatira malapit sa dagat na lumikas na ng mas maaga para maiwasan ang disgrasya o kapahamakan.
Mula sa 10 bayan sa La Union na nasa ilalim ngayon ng Warning Signal#2, kinabibilangan ng Burgos, Naguilian, Bauang, Caba, Aringay, Tubao, Pugo, Santo Tomas, Rosario, at Agoo, anim dito ang itinuturing na coastal towns.
Siniguro ni Abuan na “in good condition” ang kanilang rubber boats at m35 boat, para sa gagawing pagresponde sakaling manalasa ang bagyong Ulysses sa lalawigan.