Nakabantay ang Naval Forces Northern Luzon sa sitwasyon ng mga residente sa Northern Luzon na apektado ng mga pagbaha at mga pag-ulang dulot ng nagpapatuloy na bagyong Carina.
Ayon sa Phil Navy, nakahanda para sa anumang deployment ang Joint Task Group 14 (JTG14) ‘Sagip’.
Ang naturang Task Group ay nakahandang magsagawa ng humanitarian assisstance at disaster response sa mga lugar sa Batanes Group of Islands, Babuyan Group of Islands, Northern Cagayan, Ilocos Norte, at Ilocos Sur.
Nakahanda na rin ang Search, Rescue, and Response Teams na nasa iba’t-ibang bahagi ng Northern Luzon, kasama ang mga kagamitan sa rescue operations, mga deployable inflatable boats, life saver, at iba pa.
Tiniyak din ng Naval Forces ang regular na pakikpag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa mga isasagawang operasyon, kasama na ang relief operations para sa mga biktima.
Patuloy din umano ang patrol operations ng iba’t-ibang units ng Phil Navy para mabantayan ang kalagayan ng mga residente, lalo na sa mga mababang lugar.