Nagbabala ang Department of Labor and Employment (DOLE) na posible umanong patawan ng P100,000 multa ang ice plant sa lungsod ng Navotas kasunod ng nangyaring pagtagas ng ammonia na nauwi sa pagkamatay ng dalawang katao at pagkaospital ng 96 na iba pa.
Ayon kay Noel Binag, executive director ng DOLE Occupational Safety and Health Center, maaaring magpataw ng administrative fine ang kagawaran laban sa T.P. Marcelo Ice Plant sa oras na mapatunayang sumuway ito sa occupational safety and health protocols.
Ang magiging resulta din aniya ng imbestigasyon ng technical inspectors ang siyang magdedetermina ng kapalaran ng nasabing planta,
Maliban sa pagtalima sa occupational safety and health standards, sinabi ni Binag na dapat ay magsagawa rin ang kompanya ng training upang ipabatid sa kanilang mga manggagawa ang kaakibat na panganib ng kanilang trabaho.
Samantala, maaari naman daw humingi ng income at medical compensation ang mga apektadong empleyado sa Employees Compensation Commission ng ahensya.
Paglalahad ni Binag, ang kailangan lamang daw gawin ay magpresinta ng employment at medical documents na magpapatunay na lehitimo silang empleyado ng planta at naapektuhan sila ng insidente.
Sa kabila rin aniya ng pangyayari, iginiit ng labor official na dapat ay patuloy pa ring nakatatanggap ng sahod ang mga apektadong kawani.