-- Advertisements --
noel clement
Lt. Gen. Noel Clement (photo from Central Command, AFP)

Itinalaga ni AFP chief of staff Lt. Gen. Noel Clement si Navy Vice Commander RAdm. Allan Ferdinand Cusi bilang officer-in-charge superintendent ng Philippine Military Academy (PMA), habang si BGen. Romeo Brawner naman ang acting Commandant of Cadets.

Umupo nitong Huwebes sa bagong puwesto si Brawner habang si Cusi naman ay sa darating pa na October 1.

Papalitan ni Cusi at Brawner si dating PMA superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista at dating PMA commandant Brig. Gen. Bartolome Bacarro, batay sa pagkakasunod-sunod.

Si Cusi ay miyembro ng PMA Class 1986.

Sina Evangelista at Baccaro ay nagbitiw sa puwesto bilang pag-ako ng command responsibility sa pagkamatay ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio dahil sa “maltreatment.”

Ayon kay Clement, magre-report muna sila sa office of the chief of staff sina Bacarro at Evangelista.

Ipinag-utos na rin ni Clement sa bagong Inspector General ng AFP na si Lt. Gen. Antonio Lim para magsagawa ng parallel investigation kaugnay sa hazing incident sa PMA.

Layon nito para mabatid kung ano talaga ang nangyayari ngayon sa akademya.

Ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon ay para makabuo ng mga polisiya sa magiging hakbang sa anumang gagawing pagbabago sa PMA.

Tukoy na rin ng AFP ang mga sangkot na kadete doon sa umano’y pagmamaltrato sa tatlo pang kadete kung saan dalawa sa mga ito ay naka-confine sa V Luna Hospital habang ang isa pa ay sa St. Lukes Medical Center sa Taguig City.

Pero nilinaw na walang koneksiyon kay Dormitorio ang tatlong mga kaso.