BAGUIO CITY – Siniguro ni Philippine Navy Flag-Officer-in-Command (FOIC) RAdm. Robert Empedrad na dadalo siya sa nakatakdang Senate inquiry sa darating na Lunes, Pebrero 12, kaugnay sa multi-billion frigate deal ng Philippine Navy.
Sa panayam kay Empedrad, kaniyang sinabi na tiwala siyang lalabas ang katotohanan sa nasabing proyekto na wala umanong anomalya sa pagbili ng militar ng frigates.
Dinepensahan din ni Empedrad si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go kung saan inihayag nito na hindi nakisawsaw ang opisyal sa naturang kasunduan.
Dadalo din sa nasabing pagdinig si dating Navy chief VAdm. Ronald Joseph Mercado na sinibak sa pwesto ni Defense Sec. Delfin Lorenzana dahil sa nawalan ito ng tiwala bunsod ng pagkaantala ng proyekto.
Inihayag din ni Empedrad na kanilang hihilingin ang executive session kung ang mga tanong ay tungkol sa weapons system na itinuturing na confidential.