Aminado si Philippine Navy Flag Officer in Command VAdm. Robert Empedrad na hindi normal na maritime incident ang nangyari sa Recto Bank sa West Philippine Sea, kung saan binangga ang barkong pangisda ng mga Pinoy at inabandona ang 22 crew.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Empedrad kaniyang sinabi na sinadya man o hindi ang pagbangga sana tinulungan ng mga ito ang mga Pilipinong mangingisda.
Giit nito, dapat lamang kondenahin ang ginawa ng Chinese fishing vessel.
Inihayag din ni Empedrad na wala pang katiyakan kung sinadya talaga na salpukin ang barko ng mga Pinoy.
Sinabi pa ni Empedrad, batid naman daw na nakaangkla ang barko ng mga Pinoy sana ang Chinese vessel na sana umiwas.
Aniya sa mga makabagong teknolohiya ngayon ng barko malalaman agad ng kapitan o mga crew kung mayroong nakaharang sa kanilang daraanan.
Nanindigan si Empedrad na hindi makatao ang ginawa ng mga Chinese na malinaw na paglabag sa karapatang pantao.
Kinontra naman ni Empedrad ang pahayag ng Chinese foreign ministry na isang normal maritime incident lamang ang nangyari sa Reed Bank.