-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Philippine Navy Flag-Officer-in-Command (FOIC) VAdm. Robert Empedrad ang ginawang pagbangga ng Chinese vessel sa fishing boat ng Pinoy sa Recto Bank na tila “hit and run” ang ginawa.

Sa panayam kay Empedrad, kaniyang sinabi na hindi makatarungan ang ginawa ng Chinese vessel na matapos nitong banggain ang fishing boat ay inabandona ang mga Pinoy na mangingisda at hindi man lamang tinulungan.

Giit nito may pananagutan ang nakabanggang barko.

Aniya, may sinusunod na “rules of the road” ang mga barko na naglalayag sa karagatan ito ay para maiwasan na magkasalpukan.

Sinabi ni Empedrad, ang AFP Western Command ang nakatutok ngayon sa paghahanda ng incident reports para isumite kay AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal at sa National Defense.

Umaasa si Empedrad na magkakaroon ng aksyon ang inihaing diplomatic protest at hindi na ito maulit pa.