Pinaplano ng Philippine Navy na parentahan ang kanilang navy headquarters sa Roxas Boulevard sa Maynila para makalikom ng pondo sa pagtustos sa kanilang modernization projects.
Ayon kay Philippine Navy chief Vice Admiral Robert Empedrad, kung kanilang ibebenta ang nasabing property ay aabot ito ng P60 billion pero kung papaupahan nila ay nasa P40 million ang makukuhang pondo na angkop para sa kanilang mga modernization projects.
Aniya, marami ng kompanya ang nagpahayag ng kanilang intensyon na rentahan ang pasilidad pero nakadepende kay Pangulong Rodrigo Duterte kung ano ang magiging desisyon nito.
Kung matutuloy ang balak, posibleng sa Sangley Point sa Cavite ang magiging headquarters ng Philippine Navy o sa Bonifacio Naval Station sa Taguig.
“May mga companies nang nakikipag-engage sa atin. If yung dagat sa tabi niyo ay ma-reclaim yan, then we lease that because the President doesn’t want us to sell our real estate. Kung i-lease mo ‘yun, then we can come up with additional funds to support our modernization,” pahayag ni Empedrad.
Paliwanag naman ni Empedrad na bilang pinuno ng Navy, nag-initiate siya ng mga hakbang para magkaroon ng pondo tungo sa tuloy-tuloy nilang modernization program ngunit kailangan pa nilang konsultahin ang national government hinggil sa kanilang proposal.