Nakatanggap ng humigit-kumulang PHP261,000 cash mula sa Philippine Navy (PN) ang mga naiwang pamilya ng 12 tauhan ng Philippine Air Force (PAF) na nasawi sa pagbagsak ng C-130 transport aircraft sa Jolo, Sulu noong nakaraang taon.
Sa isang pahayag ays sinabi ni Navy spokesperson, na ibinigay ni Chief of Naval Staff, Rear Adm. Caesar Bernard Valencia ang donasyon ng tseke na nagkakahalaga ng PHP261,543.75 kay Air Force Vice Commander, Major Gen. Arthur Cordura sa isang seremonya na ginanap sa Agunod Hall, Villamor Airbase noong Lunes, Enero 24
Aniya, ang naturang pondo ay idinagdag sa one-day subsistence allowance na donasyon naman ng Navy.
Ayon pa kay Negranza, ito ay nagpapakita ng pagpapahalaga at lubos na paggalang para sa selfless service ng kanilang mga yumaong mga kasamahan sa Philippine Navy.
Nakakatulong din aniya ito upang mabawasan ang bigat ng pasanin na kinakaharap ng mga naulilang pamilya ng mga ito.
Samantala, noong nakaraang linggo ay nagsagawa din ng kaparehong aktibidad ang Philippine Army (PA) para naman sa mga tauhan nito na nakaligtas mula sa aksidente, at gayundin sa mga kaanak ng mga nasawi dito kung saan nagbigay donasyon ito ng nasa P1.83 million sa mga kaanak at tauhan ng nasabing army.
Kung maaalala, Hulyo 4 noong nakaraang taon ng lumipad ang Lockheed C-130 “Hercules” aircraft mula sa Cagayan de Oro City patungong Sulu upang ihatid ang mga newly trained soldiers mula sa Army’s 4th Infantry Division upang palakasin ang kampanya ng militar laban sa mga bandidong Abu Sayyaf.
Bumagsak ang eroplano matapos ang tangkang paglapag, na nagresulta sa pagkasawi ng 38 tropa ng Army, 12 tauhan ng PAF, at tatlong sibilyan habang nasa 46 na tauhan ng militar naman at apat na sibilyan din ang nasugatan sa aksidente.