Kinumpirma ng mga awtoridad na dalawang barko ng China Coast Guard (CCG) at dalawang Chinese maritime militia vessel ang naglayag malapit sa isang barko ng Philippine Navy (PN) sa Panganiban (Mischief) Reef upang subukang harangin ang patrol operations sa West Philippine Sea (WPS).
Ang offshore patrol ship na BRP Andres Bonifacio (PS-17) ay nagsasagawa ng patrol and search mission habang ito ay umiikot sa Recto (Reed) Bank nang ito ay minomonitor at sinusundan ng mga China Coast Guard (CCG) vessels na may bow number 5204 at 5304, at maritime militia boats na Qiong Sansha Yu 0001 at Qiong Lin Yu 19002 malapit sa Panganiban Reef.
Parehong matatagpuan ang Panganiban Reef at Recto Bank sa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Armando Balilo nangyari ang insidente noong Pebrero 1 base sa pahayag ni Raymond Powell, head of Project Myoushu Team ng Gordian Knot Center for National Security Innovation of Stanford University.
Nangyari ito sa panahon ng pagbisita ni United States Defense Secretary Lloyd Austin III sa bansa.
Binanggit ni Balilo na batay sa natanggap nilang incident report, nanindigan ang BRP Andres Bonifacio at nagpatuloy sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea sa kabila ng pagmamanman sa mga sasakyang pandagat ng China.
Sa ngayon wala pang inilabas na pahayag ang Philippine Navy kaugnay sa insidente.