Pinangunahan ni AFP Chief of Staff Gen. Felimon Santos Jr. ang send-off at blessing ceremony para sa BRP Quezon (PS70) at Naval Task Unit 11.6.1, na idineploy para bantayan ang karagatan ng Philippine Rise o dating Benham Rise na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Ang contingent ay pinamumunuan ni Commander Junmar Sales.
Kasabay ng send-off at blessing ceremony ipinag diriwang din ang ika-apat na anibersaryo ng Philippine Rise sa Port Irene, Cagayan Economic Zone Authority (CEZA), kahapon.
Sa mensahe ni General Santos, na ang okasyon ay pagkakataon para itaas ang kamalayan sa kahalagahan ng Philippine Rise, isulong ang marine conservation at protection, at itaguyod ang sovereign rights ng Pilipinas.
Pinasalamatan at pinuri din ni General Santos ang mga sundalo na pinangungunahan ng mga tropa ng Northern Luzon Command, na nagbabantay at nagtatanggol sa isa sa pinakamahalagang maritime area ng bansa.
Sa mga nakalipas na taon, itinampok sa anibersaryo ng Philippine Rise ang mga aktibidad na nagtataguyod ng soberenya ng Pilipinas sa naturang karagatan, kabilang ang paglalagay ng “underwater flag” ng Pilipinas sa “plateau” ng Philippine Rise noong 2017 at 2018.