Natukoy na ng Baguio City Police Office ang dahilan ng pagkamatay ni Philippine Military Academy (PMA) Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Ayon kay Baguio PNP chief police Col. Allen Rae, naiwalang combat shoes ng isang Cadet Axl Rey Sanupao ang naging ugat ng pagma-maltratong natanggap ng biktima sa kamay ng mga kapwa kadete.
Una ng kinumpirma ng PNP Cordillera na tatlong beses nabugbog sa loob ng PMA si Dormitorio.
Pinaka-huli raw dito ang pamimisikal sa kanya nina Cadet 3rd Class Shalimar Imperial at Cadet 3rd Class Felix Lumbag nang mawala umano nito ang ipinatagong combat shoes ni Sanupao.
Sa ngayon inihahanda na ng PNP ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Anti-Hazing law laban sa mga kadeteng may direktang partisipasyon sa pagma maltrato kay Dormitorio.