Nabawi na ng National Bureau of Investigation ang ninakaw na painting ni Fernando Amorsolo.
Ang painting na “Mango Harvesters” ay ninakaw noong nakaraang Linggo sa Hofilena Museum sa Silay City sa Negros Occidental.
Ayon sa NBI Director Jaime Santiago, agad silang nagsagawa ng entrapment operations matapos na nakakuha ng impormasyon na may nagbebenta ng nasabing painting na nagkakahalaga ng P3.5 milyon.
Isinagawa ang operation noong Hulyo 11 sa Tomas Morato sa Quezon City.
Naaresto ang mga suspek na nagtangkang ibenta ang painting na kinilalang sina Ritz Chona Ching at Donecio Somaylo.
Kinasuhan na ang mga suspek ng paglabag sa Anti-Fencing Law.
Mananatili muna sa NBI ang painting bilang ebidensiya kung saan hihintayin ang utos ng Korte Suprema para maibalik sa pinagmulang museum ang painting.