CEBU CITY – Palutang-lutang na sa karagatan nang makita ang bangkay ng isang menor de edad sa Barangay Opao, Lungsod ng Mandaue.
Kinilala ang biktima na si Christian Joseph Lumapas, 16-anyos na taga-Barangay Ibabao sa nasabing lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Colonel Jonathan Abella, hepe ng Mandaue City Police Office, sinabi nito na nakatanggap ng tawag ang pulisya galing sa isang residente na may bangkay diumanong nagpalutang-lutang sa shipyard kaya agad itong nirespondehan ng kanyang mga tauhan.
Ayon kay Col. Abella, dali nitong pina-trace ang kuha ng mga closed-circuit television camera (CCTV) sa Mactan-Mandaue bridge at doon nakita na tumalon ang biktima alas-2:00 ng madaling araw kahapon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa Cebu City ang binatilyo at nakita rin sa CCTV na sumakay ito ng habal-habal at nagpahatid sa ibaba ng tulay.
Naglakad ito pataas ng tulay at nang umabot sa sentro ay agad na itong tumalon.
Nabatid na una nang idineklarang nawawala ang menor de edad noon pang ika-17 ng Agosto kung saan panay ang post ng pamilya at kaanak nito sa social media na naghahanap sa kanya.
Inihayag ni Police Colonel Abella na tinitingnan nila ang lahat ng anggulo sa pagpapakamatay ng biktima.