BAGUIO CITY – Hindi pa natatagpuan ang combat boots na naging dahilan ng pagpapahirap kay Cadet 4CL Darwin Dormitorio noong umaga ng Setyembre 17.
Maaalalang sinimulang pahirapan ng mga upperclassmen niya si Dormitorio noong nasabing petsa nang hindi nito mailabas ang combat boots ni Cadet 1CL Axl Rey Sanopao na ipinagkatiwala sa kanya.
Ayon kay Col. Allen Rae Co, direktor ng Baguio City Police Office (BCPO), hindi pa nila nakikita ang nasabing combat boots.
Aniya, magkakapareho ang mga combat boots kaya posibleng nasa loob pa ng barracks nina Cadet Dormitorio o kaya ay nasa ibang barracks ang mga nasabing combat boots ni Cadet Sanopao.
Sinabi niya na hindi na nag-exert ng malaking effort ang mga imbestigador sa paghahanap sa nasabing combat boots.
Batay sa imbestigasyon, bago mag-alas-7:00 ng umaga ng Setyembre 17, pinatawag ni Cadet Sanopao si Cadet Dormitorio para hanapin ang kanyang combat boots ngunit hindi ito matagpuan ng nakababatang kadete.
Dahil dito, inindorso ni Cadet Sanopao si Cadet Dormitorio kina Cadet 3CL Shalimar Imperial at Cadet 3CL Felix Lumbag Jr. na siyang unang nagpahirap sa namatay na kadete sa nasabing araw.