-- Advertisements --
bora

KALIBO, Aklan – Natagpuan nang patay ang isang crew na napaulat na nawawala makaraang aksidenteng mahulog sa sinasakyang barge sa karagatang sakop ng Boracay sa kasagsagan ng bagyong Hanna noong araw ng Martes.

Ayon kay PO3 Michelle Baligo ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan, nakita ang bangkay ng biktimang si Ronaldo Tolenero, 52, residente ng Brgy. Dumatad, Tangalan, Aklan at isa sa mga crew ng LCM Divine Providence II na palutang-lutang sa dagat malapit sa Cagban Port.

Ang labi ng biktima ay dinala sa isang funeral parlor sa Brgy. Caticlan.

Matatandaan na habang naglalayag ang barge papunta sanang Manocmanoc port sa isla ay napansin ng kanyang mga kasamahan na nawawala ang biktima na pinapaniwalaang nahulog dahil sa lakas ng hangin at alon.

Agad na nagsagawa ng paghahanap ang coast guard, subalit bigo itong matagpuan.