Wala ng buhay ng matagpuan ang katawan ng isang Filipino-American sa isang creek sa Brooklyn New York City.
Una ng naiulat na nawawala ang naturang biktima Linggo ng gabi, June 11 oras sa America.
Kinilala ang biktima na si Karl Clemente, 27 years old.
Ayon kay Alex Clemente, ama ng biktima, dadalo sana ang kanyang anak sa isang concert sa linggo ng gabi sa Brooklyn Mirage Arena kasama ang kanyang mga kaibigan .
Gayunpaman ay hindi siya pinapasok ng mga security personnel dahil nakainum ito ng alak.
Napaulat rin na iniwan ito ng kanyang mga kaibigan sa labas ng concert venue.
Huling nagpadala ng text message si Clemente sa kanyang kaibigan noong 9:53 p.m.
Batay naman sa nakuhang CCTV Footage ng New York Police Department, makikita na tumatakbo ang biktima sa isang lumber warehouse hindi nalalayo sa Venue ng concert.
Nakuha ang kanyang bangkay noong Biyernes na palutang lutang sa Creek sa likod ng lumber warehouse.
Bago pa man nakuha ang bangkay ni Clemente, mayroong concerned citizen ang nagbigay ng wallet nito sa kanyang mga magulang.
Nakuha aniya nito ang naturang wallet sa loob ng lumber warehouse.
Ayon naman sa mga magulang nito, nawawala na rin ang cellphone ng kanilang anak.
Samantala, hindi pa rin naglalabas ng impormasyon ang New York Police Department tungkol sa naturang insidente.
Ang katawan ni Clemente ay nakatakdang isailalim sa medical autopsy upang malaman ang sanhi ng ikinamatay nito.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Philippine Consulate General sa New York sa pamilya ni Clemente.
Siniguro rin ni Consul General Senen Mangalile na patuloy nilang susubaybayan ang imbestigasyon sa kaso ng pagkamatay ni Clemente.