May utang umano ang gobyerno sa mga guro — lalo na ang mga nasa Teacher 1 position — na 17 overtime days, 17 service credit at mahigit P4,000 overtime pay o katumbas ito ng P271.88 bawat araw.
Ito raw ay dahil hindi lang ang school calendar ngayong taon ang nagulo ngunit pati na rin ang schedule ng mga guro at kanilang mga benepisyo.
Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, nagsagawa sila ng “Overtime Counter Check” na nagtatala sa bilang ng araw na nagr5e-render ng “overtime” ang mga guro.
Dahil dito ay hinikayat ng grupo ang pamahalaan na bayaran ang mga guro dahil sa nawawala nilang leave benefits.
Noong Abril 12 lang nang pormal na hilingin ng ACT sa Civil Service Commission (CSC) na bigyan ng service credit at 25 percent overtime pay ang mga guro na nawalan ng leave benefits sa ilalim ng proportional vacation pay (PVP).
Ang PVP ay leave benefit na ibinibigay sa mga guro ng pampublikong paaralan bilang kapalit sa mandated annual 15-day sick leave at 15-day vacation leave credits na nae-enjoy ng ibang public at private sector workers.
Paliwanag pa ng grupo na kadalasang ibinibigay ang PVP tuwing “summer” break o buwan ng Abril at Mayo, matapos ang tuloy-tuloy na serbisyo ng mga guro sa loob ng 10 buwan.
Subalit dahil sa adjustment ng school calendar sa ilalim ng distance learning para sa school year 2020-2021, naniniwala ang ACT na nawala na ang nasabing benepisyo.
Dapat aniya ay nakumpleto ng mga public school teachers ang kanilang regular 10-month service bawat schoo year noong Marso 31, ngunit nagsimula ang school year noong Oktubre 5 at inatasan ng Department of Education (DepEd) ang mga guro na mag report sa kanilang trabaho noong Hunyo 1, 2020.
Magugunita na noong Marso nang ianunsyo ng DepEd na ang kasalukuyang school year ay magtatapos sa Hulyo 10, 2021.
Sa parehong buwan din ay hinirit ng ACT sa kagawaran ng edukasyon na muling balangkasin ang PVP ngayong school year at gumawa ng patakaran na magbibigay ng hustisya sa kasalukuyang sitwasyon.