Patay na nang matagpuan magtatanghali kahapon ang isang mangingisda na may ilang araw nang nawawala sa Isla ng Boracay.
Ito ang kinumpirma ni Lt. Val Ernie Daitao, Commander ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan.
Kinilala ang biktima na si Ernesto Coching, 64-anyos, isang chieftain ng ati tribe o mga katutubo sa isla.
Natagpuan ang mga labi ni Coching ng mga tauhan ng isang hotel lulan ng speedboat sa bahagi ng Cagban jetty port na palutang-lutang, dakong alas-11:24 ng umaga.
Nabatid na lumubog ang sinasakyang motorized bangka ni Coching, kasama ang kanyang manugang na si Ricky Valencia, 37, matapos makabanggaan ang speed boat ng isang kilalang hotel, bandang 9:20 ng gabi noong Miyerkules, Abril 5, 2023 malapit sa naturang pantalan kung saan siya natagpuan.
Si Valencia ay maswerteng nakaligtas at agad na dinala sa ospital upang mabigyan ng karampatang lunas habang ang kasamang si Coching ay hindi natagpuan.
Kahapon ng Sabado, pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang pagsasagawa ng search and retrieval operation ng mga awtoridad kabilang ang mga pulis at miyembro ng Philippine Coast Guard para kay Coching.
Sinabi pa ni Coast Guard commander Daitao sumama si Sec. Abalos sa ikinasang scuba search and retrieval operations kasama ang mahigit sa 40 divers.
Kasama ang PNP, PCG, at Malay Municipal Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), personal na binisita at kinausap ni Abalos ang mga kaanak ni Coching at mga miyembro ng Malaynon ATI Tribe Association o MATA at ipinasigurong matatagpuan ito.
Nauna dito, umapela ang kalihim sa mga diving shops at orgnizations na makipagtulungan sa mga rescuers upang magkaroon ng malaking tsansang mahanap si Coching.
Samantala, buhos pa rin ang mga turista sa Boracay hanggang ngayong Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.