LAOAG CITY – Isa nang malamig na bangkay nang matagpuan ang nawawalang turista sa Ilocos Norte.
Nakilala ang biktima na si Ramon Datiles Jr., 23 taong gulang, binata at residente sa Brgy. San Antonio, Biñan, Laguna.
Ayon kay Police Major Joemar Andres, ang chief of police sa bayan ng Pagudpud dito sa lalawigan ng Ilocos Norte, nakita ang bangkay ng biktima sa dalampasigan sa Brgy. Burayoc sa nasabi ring bayan.
Una nang naireport na nawawala ang biktima simula pa noong Pebrero 27 sa kasalukuyang taon at sa koordinasyon ng mga otoridad sa pamilya ni Datiles, positibong kinilala ito ng kanyang ama.
Sa ngayon, inilagay na sa Ripa Funeral Homes ang mga labi ni Datiles para sa funeral services.
Una nang sinabi ni Mr. Hendrick Pedronan, ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer sa bayan ng Pagudpud na mahigit tatlong araw silang naghanap sa nasabing biktima.
Dagdag niya na nahirapan silang naghanap dahil madamo ang dagat at malakas ang alon.