Bago ang inaabangang banggan ng Boston Celtics at Dallas Mavericks bukas, June 7, siniguro ni Dallas star Kyrie Irving na hindi siya natatakot na bumalik at maglaro sa Boston.
Maalalang dating nagsilbi bilang point guard si Irving sa Boston, kasama ang Celtics dou na sina Jayson Tatum at Jaylen Brown. Hindi rin naging maganda ang pag-alis ni Irving mula sa Boston matapos siyang mangako na mananatili sa naturang koponan ngunit tuluyan din siyang umalis sa pagtatapos ng 2018-2019 season.
Mula noong umalis, hawak ni Irving ang 0-10 record sa loob ng sampung games na kanyang inilaro laban sa dati niyang koponan.
Gayunpaman, hindi umano nababahala o natatakot ang dating Boston guard sa muli niyang paglalaro sa homecourt ng Celtics, kahit na inaasahan nang hindi magiging maganda ang pagtanggap sa kanya ng mga fans.
Ayon kay Irving, hindi niya inaalala ang magiging reaction ng mga fans, bagkus ay tanging ang paglalaro niya ng magandang basketball ang iniisip sa ngayon.
Bukas June 7, ay gaganapin ang unang laban sa pagitan ng Dallas at Boston sa TD Garden, ang homecourt ng 17-time champion na Boston Celtics.