Dumanas ng panibagong injury si 2016 NBA Champion Kyrie Irving habang nasa kasagsagan ang laban sa pagitan ng Dallas Mavericks at Sacramento Kings.
Sa huling bahagi ng 1st quarter, hawak ni Irving ang bola at tinangkang lumapit sa paint area upang makakuha ng easy-2 layup. Gayonpaman, habang tinatangka niyang ipasok ang bola ay biglang namali siya ng tapak sa hardcourt at tuluyang bumaliktad habang binabantayan ng isang Kings guard.
Agad namang siyang ginawaran ng free throw kasunod ng naturang play.
Gayonpaman, kinailangan na siyang tulungan ng isang trainer upang makatayo sa court.
Pinilit pa ni Irving na ipasok ang dalawang free throw na iginawad sa kaniya matapos ang foul-call at naipasok niya ang dalawa hanggang sa tuluyan na siyang dinala sa locker room sa tulong ng mga trainer.
Hindi na pinabalik ng Mavericks ang batikang guard matapos nito habang sa ngayon ay hindi pa inilalabas ang resulta ng medical analysis sa kaniya.
Samantala, tuluyan ding tinambakan ng Sacramento ang Dallas sa pagtatapos ng laban, 122 – 98. Pinangunahan ni Kings guard Zach Lavine ang kaniyang koponan at nagbuhos ng 22 points sa loob lamang ng 29 mins na paglalaro.
Hindi naman maiwasan ni Dallas head coach Jason Kidd ang mabahala sa tuloy-tuloy na pagkaka-injure ng kaniyang mga player.
Gayonpaman, umaasa ang batikang coach na isa lamang minor injury ang tinamo ni Kyrie at makakabalik din kinalaunan.