Masusubukan na ng Team Serbia na pinapangunahan ni NBA champion at Denver Nuggets superstar Nikola Jokic ang lakas ng Team Australia ngayong gabi(August 6 – oras sa Pilipinas) para sa quarterfinals ng men’s 5X5 basketball quarterfinals sa Paris Olympics.
Maghaharap ang dalawa mamayang 8:30 ng gabi, oras sa Pilipinas.
Ang laban ng dalawang team ay mistulang rematch sa nauna nilang laban noong 2016 Rio Olympics kung saan nanalo ang Australia sa group stage ngunit nakabawi ang Serbia sa Semi-Finals.
Ang dalawang team ay kapwa pinapangunahan ng mga batikang NBA player.
Sa Team Australia, nagsisilbing team captain si Patty Mills kung saan naitala niya ang average na 13.3 points sa group stage.
Ito na ang pang-limang Olympic Quarter-Final game ni Mills kung saan sa kabuuan ng kanyang pagsabak sa Olympics, hawak niya ang 22.0 points per game. Kasama ni Mills ang rookie standout ng Oklahoma City Thunder na si Josh Giddey.
Sa panig ng Serbia, nagsisilbing isang malaking offensive threat ang bagitong NBA player na si Bogdan Bogdanovic, hawak ang 19.0 points per game, 4.3 rebounds per game, at 3.7 assists per game sa kabuuan ng Paris Games.
Ito ay maliban pa sa presensya ni Nikola Jokic na isa sa mga triple-double threat sa buong NBA at naging pangunahing susi para maipanalo ng Denver ang 2023 NBA Championship.
Ang dalawa ay maglalaban para sa isang spot sa Semi-Finals ng men’s 5X5 basketball sa nagpapatuloy na Paris Olympics.