Nakatakdang pumirma si NBA champion at Indiana Pacers Forward Pascal Siakam ng $189.5 million contract extension.
Ang halos $190 million na kontrata ni Siakam ay iprinisenta sa kanya ng Pacers management kasunod ng pagbubukas ng bagong contract rules ng NBA na nagbibigay permisyon sa mga NBA teams na simulan ang extension negotiations sa kanilang mga free agent.
Unang napunta si Siakam sa Pacers noong January 2024 kasunod ng matagumpay na trade sa Toronto Raptors. Sa pagpasok ng offseason ay isa siyang unrestricted free agent.
Sa loob ng 41 games na kanyang inilaro sa Pacers, gumagawa siya ng 21.3 points per game, 7.8 rebounds per game, at 3.7 assists per game. Hawak din niya ang 54.9 na overall shooting percentage habang sa 3-pt lane ay nagagawa niya ang episyenteng 38.6%.
Siya ay isa sa mga pangunahing player ng Pacers na nagdala sa koponan sa Eastern Conference Finals gamit ang 54.1% shooting percentage.
Maalalang ang 26 anyos na si Siakam ay naging key component din ng Toronto Raptors noong sumabak ito sa 2019 NBA Finals at tuluyang naiuwi ang kampeonato laban sa batikang Golden State Warriors.
Siya ay No.26 overall pick noong 2016 draft at napanalunan ang Kia Most Improved Player noong 2018-19.