-- Advertisements --
AD davis
Lakers big man Anthony Davis (photo @Lakers)

Umeksena ang big man ng Los Angeles Lakers na si Anthony Davis upang makuha nila ang bwena manong panalo sa Game 1 ng NBA finals laban sa karibal na Miami Heat, 116-98.

“Blow out” ang nangyari matapos tambakan ng 18 points ng Lakers ang Heat.

Sa third quarter umabot pa sa 26 points ang kalamangan ng Lakers.

Sa Finals debut ni Davis, 27, kumamada ito ng 34 points (11-21 FG) (2-4 3P) nine rebounds, five assists at three blocks.

Wala ring paltos ang 6-10 forward na si Davis sa free throw line na may 10-of-10.

Sa init ng kamay ng Lakers team umabot sa 13 na tira sa three-point range ang naipasok mula sa 20 pagtangka.

Ang Lakers superstar na si LeBron James, na nasa kanyang ika-50th Finals game sa career ay pumuntos ng 25, 13 rebounds at nine assists.

Lima pang players ng Lakers ang nagpaulan ng three point shots, kumpara sa inalat na Heat team.

Doble kamalasan ang inabot ng Miami dahil ang kanilang mga starters na sina Bam Adebayo at Goran Dragic ay nagtamo ng injury.

Ang Miami point guard ay nakaranas ng injury sa paa habang ang big man naman nila ay sa shoulder injury na nakuha sa third quarter.

Ang dalawa ay hindi na nakabalik sa game at hindi pa sigurado kung makakasipot din sa Sabado para sa Game 2.

Ang isa pang main man ng Heat na si Jimmy Butler ay na-twist ang ankle sa second quarter pero buti na lamang nakabalik pa ito sa second half.

Bago ito, sa unang bahagi ng first quarter ay agad na umarangkada sa 13 point lead ang Miami pero hinabol ito ng Lakers hanggang sa pagtatapos ng quarter kung saan abanse na ang LA gamit ang 21-5 run.