-- Advertisements --
golden state warriors 1
Golden State Warriors (photo from @ChaseCenter)

Pagalingan pa rin daw sa depensa ang magiging susi sa showdown ng dalawang top teams sa NBA Finals sa pagitan ng Golden State Warriors at Boston Celtics na magsisimula na sa Biyernes.

Ang Warriors sa pangunguna ng three-time champions na sina Stephen Curry, Draymond Green at Klay Thompson ay aapak sa kanilang ika-anim na Finals sa huling walong NBA seasons.

Ang Boston Celtics naman ay ngayon pa lamang umusad sa NBA Finals mula taong 2010.

Ang magkaribal na teams ay itinuturing na pinakamatindi pagdating sa opensiba sa liga.

Gayunman sa huli, tiyak daw na ang mamamayani pa rin sa dalawa ay kung sino ang pinakamatinik kung pag-uusapan naman ang depensa.

Sinasabing ito ang unang NBA Finals na dalawang top two teams na kinikilalang magagaling sa depensa mula noong taong 1996 nang magkaroon din ng harapan sa NBA Finals ang Chicago Bulls versus Seattle SuperSonics kung saan namayani noon ang grupo ni Michael Jordan.

Batay sa record ng NBA pang-16 sa offensive rating ang Warriors habang ikalawa naman sila sa mga teams pagdating sa defensive rating.

Samantala, ang Boston naman ay pang-siyam na magaling sa offensive rating, at number 1 kung pag-uusapan naman ang defensive rating.

Sa dalawang beses na kanilang matchup ngayong season, tabla ang Celtics at Warriors na may tig-isang panalo.