Naglatag na umano ng proposal sa NBA ang American entertainment company na MGM Resorts International para makumpleto ng liga ang sinuspindeng 2019-20 season sa mga convention centers sa Las Vegas.
Sa ulat ng New York Times, batay sa nasabing plano, mananatili ang mga players at ang kanilang pamilya, kasama na ang iba pang mga essential personnel sa quarantine area sa mga MGM hotels na nasa Las Vegas Strip habang nag-eensayo at naglalaro sa kaparehong pasilidad.
Magkakaroon din ng access ang mga players at broadcasters sa mga 13 resort facilities habang nasa protected area.
Sa ilalim din ng naturang mungkahi, hahatiin sa 24 na basketball courts ang mga convention centers kung saan lima sa mga ito ang lalagyan ng mga camera para sa television coverage.
Ang mga players naman ay mananatili sa mga konektado o kalapit na mga hotel.
Una na ring lumabas ang ulat na pinag-aaralan din ng NBA ang paggamit sa isa ring quarantine area sa Orlando, na nasa pribadong lugar na pagmamay-ari ng Disney World.
Noong Marso nang magpasya ang NBA na suspindihin muna ang kasalukuyang season matapos magpositibo sa coronavirus si Rudy Gobert ng Utah Jazz.