Iniimbestigahan na umano ng pamunuan ng NBA ang nangyaring panunulak ng isang courtside fan kay Toronto Raptors guard Kyle Lowry sa kalagitnaan ng Game 3 ng NBA Finals.
Una rito, bumangga si Lowry sa hilera ng mga upuan nang tinangka nitong iligtas ang bola mula sa labas, hindi kalayuan kung saan nakaupo si Warriors owner Joe Lacob.
Hindi sinasadyang tumama ang bola sa referee at lumapag sa kandungan ng isang lalaking tagahanga, na mistulang dinakma ang jersey ni Lowry gamit ang dalawang kamay.
Matapos nito ay tinapik si Lowry ng isang babae sa kanyang lokid.
Kasabay nito, may nakaupong lalaki na nakasuot ng asul na shirt na bigla na lamang tinulak nang malakas si Lowry.
Kalaunan ay na-eject naman ang naturang tagahanga, na pinagmumura pa raw si Lowry, matapos ireklamo ng Toronto guard sa mga opisyal.
Ayon kay Lowry, nakipag-usap na raw ito sa NBA tungkol sa insidente bago umalis sa Oracle Arena.
Umaasa naman si Lowry na pagbabawalan na ng liga ang nasabing fan na manood ng mga laro sa NBA habambuhay.
“The fans have a place; we love our fans,” wika ni Lowry. “But fans like that shouldn’t be allowed to be in there, because it’s not right. I can’t do nothing to protect myself.
“But the league does a good job, and hopefully they ban him from all NBA games forever.”