-- Advertisements --

Binigyan na ng palugit ang mga players ng NBA hanggang Hunyo 24 upang abisuhan ang kani-kanilang mga teams kung lalahok o hindi ang mga ito sa pagbabalik ng mga laro ng liga sa Walt Disney World.

Mismo kasing mga NBA players ay hindi nagkakaisa sa muling pagpapatuloy ng season sa Orlando dahil sa samu’t saring mga dahilan, tulad ng coronavirus pandemic at social issue sa Amerika.

Batay sa memo mula sa National Basketball Players Association, nagkasundo rin daw ang liga at ang unyon na sa muling pagpapatuloy ng season, sinumang players na mas pipiliing hindi muna maglaro ay babawasan ng 1/92.6th ang kanilang kompensasyon sa kada game na hindi nila sasalihan, na may limitasyon na hanggang 14 laro.

Maliban dito, inabisuhan na rin ng NBA ang mga players na sasailalim sila sa ilang mga proseso sa oras na umalis sila sa Disney campus na walang pahintulot.

Kabilang na raw dito ang pagsailalim sa 10 hanggang 14 na self quarantine, pagbawas sa sahod sa kada larong hindi lalahukan, at enhanced testing gaya ng deep nasal swab.

Una rito, sinabi ni NBA Commissioner Adam Silver na kung hindi raw panatag ang isang player na maglaro sa Disney sa anupamang rason, hindi naman daw nila kinakailangang mag-report sa kanilang team at hindi rin daw mapaparusahan ang mga ito.

Matatandaang gumawa ng ingay kamakailan si Los Angeles Lakers center Dwight Howard nang ihayag nito na kanya raw ikinokonsidera ang hindi paglalaro sa nalalabing bahagi ng NBA season.

Pabor din daw ito sa sinabi ni Brooklyn Nets star Kyrie Irving na dapat daw munang kanselahin ng liga ang kampanya para makapagpokus ang players sa Black Lives Matter movement.