Inirekomenda na rin ng NBA sa lahat ng mga players, coaches at referees na magpaturok na rin ng booster shots laban sa coronavirus.
Ginawa ng NBA ang abiso lalo na sa mga nakatanggap ng single-dose Johnson & Johnson vaccines.
Ayon sa liga, dooon sa mga nakatanggap ng nabanggit na bakuna mahigit dalawang buwan na ang nakakalipas ay dapat na magpaturok na ng booster shots.
Inirekomenda rin ng NBA na doon sa mga nakatanggap ng Pfizer at Moderna vaccines na anim na buwan na ang nakakaraan ay dapat na ring sumailalim sa booster shots.
Paliwanag ng NBA, batay daw sa kanilang natanggap na impormasyon, bumababa raw ang efficacy o bisa ng antibody levels para sa Pfizer at Moderna recipients pagkalipas ng anim na buwan habang dalawang buwan lamang daw sa mga naturukan ng Johnson & Johnson.
Pinayuhan naman ng NBA ang mga players na ayaw magpa-booster shot pero nakatanggap na ng bakuna ay sasailalim sa game day testing sa COVID simula sa December 1.
Una nang lumabas ang report na bago magsimula ang bagong season ng NBA nasa 97% ng mga players ang pinaniniwalaang nagpabakuna na.