Pinatawan ng isang larong suspensyon ng NBA si Milwaukee Bucks star Giannis Antetokounmpo makaraang i-headbutt si Washington Wizards center Moritz Wagner.
Una rito, napaalis sa laro si Antetokounmpo matapos ang insidente na nangyari noong second quarter ng panalo ng Bucks kontra sa Wizards.
Matapos ang pangyayari, agad na naghayag ng pagsisi sa kanyang nagawa si Antetokounmpo at inihayag na nangibabaw lang daw ang kanyang emosyon sa laban nang matawagan ng sunod-sunod na foul sa ikalawang yugto.
“Terrible action,” wika ni Antetokounmpo. “If I could go back and turn back time and go back to that play, I wouldn’t do it. But at the end of the day, we’re all human, we all make mistakes.”
Aminado si Antetokounmpo na ibinuhos niya ang kanyang galit kay Wagner kahit na wala naman itong nagawang kasalanan.
“I think it was just the whole, like, build-up of dirty plays in my mind. Guys tripping me, guys falling in front of my feet, holding me, hitting me,” dagdag nito. “I don’t have nothing against Wagner, it wasn’t just him.”
Inaasahang sasamantalahin ng susunod na kalaban ng Bucks na Memphis Grizzlies ang pagkawala ni Antetokounmpo na target makapasok sa Western Conference playoff.