Isang linggo na lamang bago ang tuluyang pagsisimula ng training camp para sa bagong Season ng NBA, wala pa ring team na malilipatan ang NBA Superstar na si James Harden.
Maalalang unang hiniling ni Harden na mai-trade sa ibang koponan mula sa kasalukuyang Philadelphia 76ers sa pagtatapos ng nakaraang season, ngunit sa loob ng ilang buwan na pagpapahingan ng NBA, mistulang wala pa ring gaanong interesado sa batikang shooter.
Ito ay sa kabila ng una nang binanggit ni Harden na nais niyang mapunta sa Los Angeles Clippers mula sa Sixers.
Si Harden ay kasalukuyang nasa kontrata kasama ang Sixers ngunit dahil sa hindi pagkakaunawaan kasama ang isang executive ng naturang koponan, ipinipilit nitong lumipat.
Nakatakda namang buksan ng Phila ang kanilang training camp sa Oktubre-3, oras sa Pilipinas.
Ang training camp ay ang unang hakbang ng paghahanda ng bawat NBA Team bago ang panibagong season na bubuksan, ilang araw makalipas ang training camp.