Nakahanda na muling sumabak sa 2024-2025 NBA season si Golden State Warriors superstar Stephen Curry.
Ayon sa 4-time NBA champion, nagsisilbing motibasyon niya ngayon ang umano’y pagdududa ng mga NBA analysts at mga fans sa Golden State Warriors na posibleng hindi kayang makipagsabayan sa iba pang mga team sa Western Conference o sa iba pang team sa buong liga.
Ayon kay Steph, dahil sa mga naturang pagdududa ay nais na umano niyang sumabak na sa training camp at at patunayan ang lakas ng GSW sa susunod na season.
Malaking motibasyon aniya ito – ang mapatunayan ng Warriors na kaya pa nitong makipagsabayan sa iba pang malalakas na team sa kabila ng pagdududa ng marami.
Mula noong na-draft si 4-time NBA champion Klay Thompson, ito pa lamang ang unang pagkakataon na hindi makakasama ni Curry ang kaniyang half-splash brother matapos ma-trade si Klay sa Dallas pagkatapos ng 2023-2024.
Tuluyan ding binitawan ng GSW si Chris Paul na kahalili ni Steph sa point guard position, habang hindi rin nakuha ng koponan ang malalaking mga trade candidate nitong offseason tulad nina Paul George at Lauri Markkanen.
Gayunpaman, nagawa ng Warriors na kumuha ng makakatuwang ni Curry sa opensa na kinabibilangan ni 3-point specialist Buddy Hield, Kyle Anderson, at De’Anthony Melton.
Maaalalang noong 2022 ay nagawa ng Golden State Warriors sa pangunguna ni Steph na ibulsa ang championship trophy na siyang ika-anim na kampeonato sa kasaysayan ng Warriors.