Puspusan na ang ginagawang mga paghahanda ng 16 na NBA teams na maghaharap-harap sa tinaguriang pambihirang NBA playoffs ngayong taon.
Simula bukas kasi, araw ng Martes ay uumpisahan na ang playoffs sa loob ng quarantine bubble ng NBA sa Orlando, Florida.
Sinasabi ng mga tagapagmasid na ito raw ang magiging pinakamahirap na elimination tournament ng liga, na napilitang i-adjust ang season dahil sa coronavirus pandemic.
Aminado si Milwaukee Bucks star Giannis Antetokounmpo na ito na raw ang “toughest championship” na posibleng mapanalunan ng isang koponan.
Sumegunda naman si Houston Rockets guard Austin Rivers na iginiit na kinakailangang magdoble kayod ng mga teams kung nais nilang mapasakamay ang kampeonato.
“Whoever wins this year really had to go get it and earn it, and had guys who took time off seriously and still stayed in shape, and was able to get back the chemistry, true chemistry,” wika ni Rivers.
Ang defending champion na Toronto Raptors naman ay naglalatag na rin ng kanilang mga diskarte para sa playoffs, lalo pa’t wala na sa kanila sina Finals MVP Kawhi Leonard at starter Danny Green matapos ang kanilang title run.
Haharapin ng Raptors ang Brooklyn Nets na nagtala ng 5-3 kartada sa loob ng bubble at nasilat ang mga top teams na Bucks at Los Angeels Lakers.
“They’ve got a lot of guys who are playing with a lot of energy and a lot of confidence right now,” wika ni Raptors coach Nick Nurse. “We will have to play really well to beat them.”
Samantala, kabilang din sa mga inaabangang matchups sa Eastern Conference ang banggaan ng magkakaribal na Philadelphia 76ers at Boston Celtics, maging ang Indiana Pacers at Miami Heat.