Pigil hininga ngayong inaantabayanan ng buong mundo ng NBA ang magiging pasya ni NBA superstar Kawhi Leonard sa kung saang team ito pipirma ng kontrata.
Nakapirma na kasi ng deal sa panibagong mga koponan ang mga bigating free agents gaya nina Kevin Durant, Kyrie Irving at Kemba Walker nitong mga nakalipas na araw.
Pero batay sa ulat, posible umanong ianunsyo na ng kampo ng two-time NBA Finals MVP ang kanyang pasya anumang araw ngayong linggo.
Posible raw na bukas araw ng Huwebes ang pinakamaagang petsa kung kailan isisiwalat ni Leonard ang desisyon nito.
Sinasabing ang Toronto Raptors, Los Angeles Lakers at Clippers ang tatlong koponang nagtutunggalian para makuha si Leonard.
Una nang napaulat na nakipagpulong ito sa parehong Los Angeles teams ngayong linggo, at huli raw nitong tatagpuin ang Raptors na koponan na binigyan niya ng kampeonato nitong nakalipas na season.