Inanunsyo ng National Bureau of Investigation-7 na plano nilang magtayo ng cybercrime at forensic laboratory sa Cebu.
Inihayag ni NBI-7 Regional Director Atty. Rennan Augustus Oliva na ito’y dahil sa mataas na cybercrime cases na kinakaharap sa rehiyon.
Inaasahang magiging operational ang laboratoryong ito sa maaga o kalagitnaan ng susunod na taon na tutugon sa mga kaso ng forensic at cybercrime sa Central Visayas.
Mag-aalok pa ito ng mga serbisyo tulad ng autopsy, handwriting examination, polygraph examination, fingerprint examination, DNA examination, at analysis.
Sinabi pa ni Oliva na ang mga nakaraang kaso ay palaging ipinapasa sa Central Office at matatagalan pa bago ang resulta.
Kaya naman, napagdesisyunan pa umano na magtatag ng cybercrime at forensic laboratory dito.
Nauna na ring ibinunyag nito na karamihan sa kanilang pinangangasiwaang mga kaso sa rehiyon ay ang cybercrime cases.
Karamihan pa dito ay ang investment scam, security, marriage, at wedding planner scams kung saan hindi umano natuloy sa kabila ng pagbayad ng mataas na presyo ng mga biktima
Idinagdag naman nito na mayroon silang mga eksperto na gumagawa ng cyber patrolling upang matukoy ang mga krimen na ginawa o gagawin pa lamang.
Bukod dito, nakitaan din ng pagdami ng mga kaso ng identity theft sa rehiyon.
Aniya, hindi pa umano alam ng mga ito na ginagamit ang kanilang personal na impormasyon sa mga kriminal na aktibidad.
Paalala naman nito sa publiko na maging mapagmatyag, iwasang magbahagi ng personal na impormasyon at makipagtransaksyon sa mga ahensya ng gobyerno lamang.