-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Aprubado na ng mga miyembro ng Municipal Peace and Order Council (MPOC) ang kahilingan ni Kabacan Cotabato Mayor Herlo Guzman Jr na pangungunahan ng isang independent investigating team ang imbestigasyon sa Kabacan mass murder.

Sa pagpupulong ng mga opisyal ng MPOC sinang-ayon nito na mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang manguna imbestigasyon sa pamamaslang sa siyam katao sa provincial road malapit sa USM granary and machinery sa Brgy Poblacion Kabacan Cotabato.

Pinaplantsa na lamang ni Mayor Guzman Jr para makipag-usap sa mga opisyal ng PNP-CIDG at NBI at i-abot mismo ang resolusyon na inaprobahan sa pagpupulong ng MPOC.

Nanawagan din si Guzman sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng fake news o maling impormasyon dahil hindi rin ito nakakatulong sa imbestigasyon ng kaso.

May ilang post pa sa social media na ginakatungan o nais sirain ang magandang relasyon ng mga kristiyano,lumad at mga muslim sa bayan ng Kabacan.

Minungkahi rin ni Mayor Guzman na dapat masampahan ng kaso ang mga nagpapakalat ng fake news lalo na sa social media.

Suportado naman ng mga opisyal ng Barangay sa bayan ng Kabacan,Moro Islamic Liberation Front (MILF),Academe,NGOs,BARMM at mga religious group at ibat-ibang sektor ang sinusulong na kapayapaan at magtulungan para mabigyan ng katarungan ang sinapit ng mga biktima.

Nagbigay na rin ng tulong pinansyal ang LGU Kabacan sa mga pamilyang naiwan ng mga biktima at nagpadala na ng emisaryo kung saan kinausap ang mga ka-anak nila at hiniling ang kanilang kooperasyon sa mabilisang imbestigasyon.

Nabatid na una nang kinondena ng alkalde,BARMM,MILF,Provincial Government at ibat-ibang sektor ang pamamaril patay sa siyam katao.

Siniguro ng alkalde na ang kaayusan at kapayapaan ay makakamit kung ang bawat isa ay nagtutulungan.

Sa ngayon ay hinigpitan pa ng militar at pulisya ang seguridad sa bayan ng Kabacan Cotabato.