-- Advertisements --

Nakahanda na anc National Bureau of Investigation (NBI) at PNP para arestuhin ang mga sangkot at idinadawit sa nasabat na magnetic lifter na naglalaman ng P11 bilyon halaga ng shabu.

Una rito, naglabas ang Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 35 ng arrest warrant laban kina dating Police Col. Eduardo Acierto, dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) deputy chief Ismael Fajardo, Jr., dating Customs intel officer Jimmy Guban.

Kabilang pa sa mga pinaaaresto sina importers Chan Yee Wah alyas KC Chan at Zhou Quan alyas Zhang Quan, mga consignees na sina Vedasto Cabral Baraquel Jr. at Maria Lagrimas Catipan ng Vecaba Trading at Emily Luquingan.

May hiwalay ding arrest warrants na may petsang April 12, 2019 ang inilabas ni Manila RTC Branch 35 Judge Maria Bernardita Santos laban sa mga akusado.

Una rito, inirekomenda ng Department of Justice (DoJ) ang pagsasampa ng kaso sa mga akusado na humaharap sa mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa shabu na natagpuan sa mga magnetic lifters na nakalusot sa bansa.

Una rito, nasabat sa Manila International Container Port noong Agosto, 2018 ang P11 billion na halaga ng shabu na nakasilid sa cylindrical magnetic lifters.

Kinabukasan nito ay natagpuan din ang apat na kaparehong magnetic lifters na walang nang laman sa Cavite.

Si Acierto ay hindi nagpakita sa mga isinagawang pagdinig sa DoJ pero kamakailan lamang nang ito ay lumantad at idinawit si Michael Yang, dating presidential adviser ng Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y sangkot sa illegal drug trade.

Ang kontrobersiyal na dating police official ay una nang na-dismiss sa serbisyo dahil umano sa pagkakasangkot nito sa maanomalyang pagbili ng AK-47 rifles na kinalauna’y nakita sa posisyon ng New People’s Army (NPA).